(Author's Note: Para may variety, naisipan kong magsulat ng mga kwentong hindi bahagi ng 'Mang Dado Series'. They will be labeled RS as in 'random stories'. Haha! Sana magustuhan nyo din.)
"Kanina ka pa nandyan sa labas, wala pa din ba yung hinihintay mo?" tanong ng asawa ni Mang Ricky na si Aling Rose. "Pumasok ka muna kaya't malamok dyan!"
"Hindi na...siguradong paparating na din yun dahil ganitong oras ang daan nun sa lugar natin. Mauna ka na sa kwarto para makapagpahinga ka na din," atubiling sagot ng lalaki.
"Mabuti pa nga...ikaw na bahala dito't wag mong kalimutang isara yung mga dapat isara ha. Wag ka na ding magpupuyat dahil maaga tayong aalis bukas ng umaga," huling sabi ng kanyang misis saka ito pumasok para matulog.
Nang maiwang mag-isa ay napabuntong-hininga si Mang Ricky sabay bunot nito sa huling piraso ng yosi mula sa kanyang bulsa. Malalim ang kanyang iniisip habang humihithit at mababakas sa itsura nito ang mabigat na dinadala. Isang karpintero ang 47-anyos na lalaki at noong araw ding iyon ang huling araw ng pagtatrabaho niya sa isang isang bahay na kanilang ni-renovate ng ilang linggo. Galante ang may-ari ng bahay kaya't nanghihinayang si Mang Ricky na bagaman binigyan silang lahat ng bonus, ay wala na naman syang regular na pagkakakitaan. Paniguradong ilang araw o linggo lang ay mauubos na naman ang kanyang ipon.