Bago ang takdang lockdown sa Metro Manila ay swerteng naka-byahe pa si Mang Dado. Ayaw na sana syang payagan ng kanilang operator ngunit napakiusapan din nya ito sa huli.
Swerteng sunod-sunod ang pasahero ni Mang Dado sa araw na yon, hanggang gumabi na’t kailangan na nyang gumarahe. Ngunit habang binabagtas nya ang EDSA papuntang Makati ay may humarang na Highway Patrol Group sa kanyang taxi.
“Puta kung mamalasin ka nga naman,” naiinis na sabi ng taxi driver.
“Sir…good evening po. Pwede po bang makita lisensya nyo,” bati ng pulis.
“Magandang gabi din po, Tsip. Pwede po bang malaman ano violation ko?” kamot-ulong tanong ni Mang Dado pagkabigay nya ng lisesnsya.
“Yung kaliwang headlight po natin Sir sira…violation po yun. Tapos nung papalapit ako sa taxi nyo, yung tail light nyo sira din…walang ilaw. Dapat chini-check nyo po muna ang taxi nyo bago nyo i-byahe…alam po nating delikado yun di ba?” mahinahong sagot ng pulis.
“Tsip ba-baka naman po pwedeng patawad muna ngayon…totoo nyan pagarahe na po ako, humabol lang para may pera bago mag-quarantine. Pasensya na po talaga,” pakiusap ni Mang Dado habang nakatingin sa pulis.